MANILA, Philippines - Mula sa masamang 0-2 na panimula sa conference, tuluyan ng nakabangon ang Far Eastern University matapos nilang makamit ang kanilang ikalawang sunod na tagumpay laban sa Adamson University kamakalawa ng gabi sa Shakey’s V-League.
Pinadapa ng Lady Tamaraws, nanggaling sa kanilang unang panalo noong nakaraang Linggo laban sa St. Benilde, ang Lady Falcons sa loob ng tatlong sets lamang, 25-19, 25-22 at 25-16 sa pagpapatuloy ng pag-igting ng aksyon sa ikalawang conference ng premyadong volleyball league sa bansa sa The Arena sa San Juan.
Nagbida para sa Morayta-based squad sina guest players Rachelle Anne Daquis at Michelle Carolino na mayroong 16 at 14 points habang nagdagdag naman si Monique Tiangco na mayroong 13 points at Cherry Mae Vivas na may walong puntos.
Matapos namang magtala ng impresibong 29 points sa kanilang tagumpay laban sa Lyceum, nalimitahan lamang sa sampung puntos si former MVP at guest player Nerissa Bautista para pamunuan ang Lady Falcons habang nagtulong para sa 26 points sina Pau Soriano, Angela Benting, Mikmik Laborte at Gail Martin.
Iginiya nina Daquis at Carolino ang FEU sa unang dalawang sets bago nagbigay ng tulong sina Vivas at Tiangco para maselyuhan ng bataan ni coach Nes Pamilar ang tagumpay.
Ang tagumpay na ito ang naglagay sa FEU sa pagkakatabla sa ikatlong puwesto kasama ang Lyceum at Adamson na pare-parehong may 2-2 win loss card.