MANILA, Philippines - Sa kanilang inaabangang laban sa ika-anim na round, nagkasya lamang sa pakikipaghati ng puntos si GM Wesley So at GM Evgeny Tomashevky ng Russia upang pawang manatiling buhay ang pag-asa sa pagpapatuloy ng mainit na aksyon ng 2010 Biel Young Grandmaster Chess Championship kahapon sa Switzerland.
Nagkasundo ang dalawang batang GM woodpushers matapos umabot lamang sa 24 moves ang Queen’s Gambit.
Ang tablang laban na ito ay naglagay kina So at Tomashevky sa pakikipagsalo sa tatlong iba pa para sa ikalawa hanggang ika-anim na puwesto kasama sina GM Mazime Vachier-Lagrave ng France, GM Dmtry Adreikin ng Russia at GM Maxim Rodshtein ng Israel na pawang may 3.5 points.
Nangunguna sa 10-player category-17 ang tumalo kay So sa fifth round na si GM Fabiano Caruana ng Italy na mayroong kabuuang apat na puntos.
Sa ika-anim na round, tanging si GM Vachier-Lagrave, ang highest rated player na may ELO Ranking na 2723, lamang ang nakapag-rehistro ng panalo laban kay GM David Howell ng England.
Ang sixth round matches din sa pagitan nila Caruana at Truong Son ay nagtapos sa tabla kagaya ng laban nila Andreikin at Rodshtein at nila GM Anish Giri ng Netherlands at GM Parimarjan Negi ng India.
Haharapin ng tubong Bacoor, Cavite na si So sa ika-pitong round si GM Truong Son ng Vietnam gamit ang puting piyesa matapos ang kanyang dalawang sunod na laban gamit ang itim.
Maghaharap din sa ika-pitong round sina Caruana at Giri, Vachier-Lagrave at Tomashevky, Rodshtein at Howell at Negi at Andreikin.