Birhen pa nag Scc Spikers
MANILA, Philippines - Tatlong sets ang tanging kinailangan ng San Sebastian-Excelroof upang lalo pang pahigpitin ang kanilang pagkapit sa liderato at pagtiyak sa playoff para sa quarterfinals ng Shakey’s V-League.
Inirehistro ng Lady Stags ang kanilang ika-apat na dikit na panalo laban sa Perpetual Help sa loob lamang ng tatlong sets, 27-25, 25-21 at 25-18 sa pagpapatuloy ng mainit na aksyon ng ikalawang conference ng ika-pitong season ng ligang inorganisa ng Sports Vision kahapon sa The Arena sa San Juan.
Muli na namang nagpasabog ng eksplosibong laro ang Thai import na si Jaroensri Bualee upang pamunuan ang Lady Stags sa kanyang tinipong 27 points, 26 ay nanggaling sa spikes. Nagpakitang gilas din si guest player Suzanne Roces sa kanyang kinamadang 15 points habang may 11 naman si Joy Benito.
Galing mula sa isang impresibong three-set victory laban sa Ateneo noong Huwebes, dinomina ng Stags ang laban sa third set kung saan umalagwa sila sa maagang parte ng ikatlong set, 12-4. Hindi na muling nilingon ng tropa ni coach Roger Gorayeb ang naghahabol na Lady Altas sa pagbibida ni Bualee na nanguna upang selyuhan ang panalo matapos niyang umiskor ng 13 sa huling set.
“Ang main objective namin is to accumulate as many wins as we can. Hangga’t maari hindi kami nag-iisip na ma-sweep, hindi naman natin puwedeng maliitin ang mga makakalaban”, pahayag ni San Sebastian tactician Roger Gorayeb.
Nanguna naman para sa Perpetual Help si Sandra delos Santos na mayroong siyam na puntos.
Bunga nito, nananatiling nasa itaas ng team standings na premyadong volleyball league sa bansa ang San Sebastian sa kanilang wala pang dungis na 4-0 win-loss slate habang nahulog naman sa ika-pitong puwesto ang Perpetual sa kanilang 1-3 record.
- Latest
- Trending