MANILA, Philippines - Hindi kinaya ni Johnreil Casimero ang husay ng Mexicanong si Ramon Garcia Hirales nang isuko ang split decision na ginanap kahapon sa Polideportivo Centenario sa Los Mochis, Sinaloa Mexico.
Ito ang unang kabiguan ni Casimero matapos ang 14 sunod na panalo at nangyari ito nang pumabor kay Hirales ang dalawang hurado nang tila lumamya ang laro nito sa huling dalawang rounds.
Ang tatlong hurado ay pawang nagbigay ng 115-113 iskor sa kabuuang ng 12 rounds pero isa lamang ang pumabor sa Filipino para mawala ang hawak na WBO interim light flyweight title.
Dahil din dito, naglaho rin ang hangarin nitong mapalaban sa mas malaking laban at iniluluto nga sana si Casimero na humarap kay Ivan Calderon kung nanalo sa sagupaan.
Ika-13 panalo sa 15 laban ang nakamit ni 27-anyos na kaliweteng Mexicano at ika-11sunod matapos lasapin ang natatanging kabiguan sa kamay ni Francisco Reyes noon pang 2007 sa pamamagitan ng split decision sa loob ng 10 rounds.
Hindi rin pinalad si Federico Catubay dahil umuwi rin siyang luhaan nang matalo sa pamamagitan ng unanimous decision sa kamay ni Rodrigo Guerrero sa isa pang laban.
Ang tatlong hurado ay pumanig kay Guerrero nang gawaran ito ng 116-112, 115-113 at 117-111 para mangibabaw sa labang itinalaga bilang isang IBF super flyweight title eliminator.