MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatikim na ng kabiguan si Pinoy GM Wesley So sa idinadaos na 2010 Biel Young Grandmasters Chess Championships.
Pinalasap ni Italian GM Fabiano Caruana ng talo si So sa kanilang fifth round match-up sa pamamagitan ng 49-moves gamit ang Semi-Slav move.
Sinamantala ng Italyanong woodpusher ang pagkakamaling nagawa ni So sa kanyang ika-41 na galaw upang makuha ang maliit na kalamangan na nagresulta sa kanyang tagumpay.
Sa kanyang pagkatalo, nalaglag sa ikalawang puwesto ng 10-man category-17 si So sa kanyang kabuuang tatlong puntos mula sa dalawang panalo, dalawang tabla at isang talo habang si Caruana naman ay sumampa sa itaas ng liderato sa kanyang naitalang 3.5 na puntos mula sa dalawang panalo at tatlong tabla.
Kasalo ni So sa ikalawa hanggang ikalimang puwesto sina GM Tomashevky at GM Andreikin ng Russia at si GM Rodshtein ng Israel habang nagsasalo sa ika-anim hanggang ika-pitong puwesto sina GM Vacheir-Lagrave ng France at GM Nguyen Truong Son ng Vietnam na mayroong 2.5 na puntos.
Sa sixth round, susubukang makabawi ni So mula sa pagkatalo sa pakikipaglaban kay Tomashevky.