MANILA, Philippines - Nag-pose sina Pinoy Johnriel Casimero at Mexican Ramon Garcia sa kanilang weigh-in kahapon.
Itataya ni Johnriel Casimero ang kawalan pa ng kabiguan sa ring sa pagbangga niya sa Mexicanong si Ramon Garcia na gagawin ngayon sa Polideportivo Centenario sa Los Mochis Sinaloa , Mexico .
Edad 20-anyos, si Casimero ay mayroong 14-0 karta kasama ang walong knockout na panalo.
Huling pinataob nito ay si Cesar Canchila ng Colombia noong Disyembre na nagselyo sa kanya bilang isa sa posibleng world champion ng bansa.
Sa ngayon siya ang WBO lightflyweight champion at kung manalo pa sa laban kay Garcia ay posibleng malinya sa title fight kontra kay Ivan Calderon na sasagupa naman sa isang WBO-WBA unification fight
Hindi naman pipitsugin si Garcia na kahit may 12-1-1 karta ay may walong pinatulog sa laban.
Ang dalawang magtutuos ay parehong nakapasok sa paglalabanang 108 lbs limit at sa eksaktong timbang pumasok si Garcia habang nasa 107.2 pounds naman si Casimero.
Tinaguriang Quadro Alas si Casimero dahil sa angking husay sa ring at ang huling dalawang naipanalong laban kontra kay Canchila at Arden Diale ay nangyari sa pamamagitan ng KOs .
Masisilayan din sa aksyon si Federico Catubay laban kay Rodrigo Guerrero ng Mexico na isang IBF super flyweight eliminator.
Si Catubay ay tumimbang sa 114 pounds na siya ring timbang ni Guerrero.