Solong liderato inangking ng SSC spikers
MANILA, Philippines - Eksplosibong opensa at matinding depensa ang naging susi ng San Sebastian laban sa Ateneo upang mapanatili ang maagang liderato sa Shakey’s V-League kamakalawa ng gabi sa The Arena sa San Juan.
Binasag ng Lady Stags ang kanilang pakikipagsalo sa liderato ng kanilang padapain ang Lady Eagles sa loob lamang ng tatlong sets, 25-22, 25-17 at 26 24 sa pag-igting ng aksyon sa ikalawang conference ng ligang inorganisa ng Sports Vision at iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.
Sa kanyang kinamadang 20 points na kinatampukan ng 19 hits, iginiya ni Thai reinforcement Jaroesnri Bualee ang tropa ni coach Roger Gorayeb sa kanilang ikatlong dikit na tagumpay na naglagay sa kanila sa tuktok ng standings na mayroong 3-0 win loss slate. Nakakuha ng ayuda si Bualee mula sa kapwa guest player na si Suzanne Roces na nagtala ng 13 points at kina mainstays Melissa Mirasol at Joy Benito na mayroong 11 at walong puntos.
Matapos namang magtala ng impresibong 36 points sa kanilang unang dalawang panalo, nalimitahan lamang sa sampung puntos si Thai import Surasawadee Boonyuen para pamunuan ang atake ng Ateneo. Nagdagdag naman ng walong puntos si Alyssa Valdez.
Samantala, naitala naman ng Adamson ang kanilang ikalawang sunod na tagumpay matapos nilang malusutan ang Lyceum sa loob ng limang sets, 25-20, 22-25, 21-25, 25-16 at 15-7.
- Latest
- Trending