MANILA, Philippines - Matapos ang impresibong panalo ni Nonito Donaire noong Hulyo 11, isa na namang Pilipino ang magtatangkang magbigay ng karangalan sa ating bansa ngayong araw.
Haharapin ni WBO Interim light flyweight champion Johnreil Casimero si Mexican Ramon Garcia-Hirales sa labanang tinaguriang “Laban ng Lahi”.
Ang tinaguriang “Quadro Alas” na si Casimero ay nasungkit ang kanyang titulo noong Disyembre 2009 sa kanyang laban kay Cesar Canchila ng Columbia sa pamamagitan ng 11th round KO.
Tangan ng tubong Ormoc, Leyte ang professional record na 14-0 win-loss card at mayroong walong KO.
Ang kanyang katunggaling 27-anyos na si Ramon Hirales ang kasalukuyang nagmamay-ari ng WBC Intercontinental light flyweight belt. Ang southpaw na si Hirales ay mayroong 12-1-1 panalo-talo-tablang baraha at mayroon ring walong KO.