MANILA, Philippines - Hindi pa napapanahon na paglabanin ang Pambansang kamao na si Manny Pacquiao at ang papasibol na si Timothy Bradley.
Bagamat kinilala ni Top Rank promoter Bob Arum ang husay ni Bradley, naniniwala naman siyang kailangan pa nitong magpahinog bago sumagupa kay Pacquiao na siyang pound for pound champion at may-ari ng pitong world titles sa magkakaibang dibisyon.
“He’s a terrific figther, a great young man. He needs just a little bit more seasoning,” wika ni Arum.
Nagpahayag ng kagustuhan si Bradley na masukat si Pacquiao matapos manalo kay Luis Carlos Abregu noong Hulyo 17 sa California sa unang laban bilang isang welterweight division.
Kampeon sa WBO light welterweight, ang tagumpay na ito ni Bradley ay kanyang ika-27 sunod bukod pa ang 11 KO.
Matapos ang panalong ito ay binanggit niya ang hamon kay Pacquiao at kahit kay Floyd Mayweather Jr. para sila ay magkatuos. Hindi man mapalaban agad kay Pacquiao bukas naman si Arum na isama si Bradley bilang undercard sa binubuong comeback fight ni Pacman sa Nobyembre 13.
Samantala, nakausap na umano ni Arum ang kampo nina Miguel Cotto at Antonio Margarito at ang mga napag-usapan at ibang dokumento ay kanyang ipapasa kay Pacquiao upang mapagdesisyunan kung sino ang nais nitong makaharap.
Makasaysayan din ang susunod na laban ni Pacman dahil ikawalong world title ang nakataya dahil ang WBA super middleweight title ang paglalabanan nila ni Cotto habang ang bakanteng 154-pound title naman ang nakataya sa pagkikita nila ni Margarito.