MANILA, Philippines - Ipinagpatuloy ni GM Wesley So ang kanyang impresibong kampanya sa idinaos na 2010 Biel Young Grandmasters Chess Championship.
Matapos manatili sa pakikisalo sa liderato sa pakikipagtabla sa second round, ginapi ni Wesley So si GM Maxim Rodshtein ng Israel sa pamamagitan ng 39 moves gamit ang Gruenfeld sa kapana-panabik at gitgitang third round noong Miyerkules.
Umabot sa halos apat na oras ang bakbakan ng World number 60 na si So at ni Rodshtein.
Ito ang ikalawang tagumpay ng tubong Bacoor na si So sa loob ng tatlong laban. Nasa unahan siya ng category 17 na mayroong kabuuang 2.5 na puntos.
Sina GM Evgeny Tomashevky ng Russia at GM Fabiano Caruana ng Italy ang nasa likuran ni So na pawang mayroong dalawang puntos.
Kakaharapin ni So sa ika-apat na round si GM Parimarjan Negi ng India na nasa ika-siyam na puwesto.
Nauna ng tinalo ni So sa unang round si GM David Howell at nakipagtabla naman siya sa second round kay GM Maxime Vachier-Lagrave ng France.
Sa kanilang nag-iisang paghaharap bago ang tagumpay na ito ni So, nagkasya ang dalawang batang GM sa table sa World Junior Championship sa Armenia noong 2007.