Tamaraws wala pa ring pingas, sinuwag ang Warriors
MANILA, Philippines - Balanseng opensa at matibay na depensa ang ipinamalas ng Far Eastern U upang makamit ang 91-81 panalo sa University of the East sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Limang manlalaro sa pangunguna ni Paul Sanga na mayroong 18 puntos, kasama ang anim na tres, ang umiskor ng mahigit na 10 puntos para sa Tamaraws.
Pero ang mabisang sandata ng koponan ay ang depensa nila kontra kay Paul Lee na nabokya sa huling yugto matapos magpakawala ng 27 puntos sa naunang tatlong quarters.
“Grabe talaga si Paul Lee. Pero masaya pa rin ako dahil nadepensahan namin siya sa last quarter at hindi na siya nakaiskor,” wika ni coach Glen Capacio na mayroong 3-0 karta para sa solo liderato pa rin sa liga.
Si Lee ay nasa pinakamabangis niyang porma sa ikatlong yugto nang magtala ito ng 13 puntos.
Dalawang tres at dalawang free throws ang ginawa niya upang ang 50-57 iskor ay maging 66-65 pabor sa UE.
Isang tres ni RR Garcia na tinapatan ng apat na puntos ni Erwin Duran ang nagresulta sa 70-all iskor bago nanalasa na ang Tamaraws sa pagtutulungan nina Garcia, Reil Cervantes at Aldrech Ramos.
Dumaan naman sa extra period ang UST bago naitakas ang 87-81 panalo sa UP na ipinarada ang kanilang bagong consultant na si dating PBA coach Boyet Fernandez. Ang dating coach na si Abboy Castro ay nagsumite ng indefinite leave nitong Miyerkules kaya’t si assistant coach Potit de Vera at Fernandez ang nagtulong sa pagdiskarte sa koponan.
UST 87--Fortuna 29, Mariano 18, Teng 13, Bautista 9, Daquiog 6, Camus 6, Afuang 4, Pe 2, Wong 0, Tinte 0.
UP 81--Sison 19, Reyes 19, Silungan 16, Padilla 10, Co 9, Lopez 8, Saret 0, Manuel 0, Reyes 0, Maniego 0,Gomez 0.
Quarterscores 12-15, 39-32, 57-56, 69-69, 87-81.
FEU 91--Sanga 18, Ramos 17, Garcia 14, Cervantes 11, Noundou 10, Romeo 9, Bringas 6, Mendoza 2, Exciminiano 2, Cawaling 2, Knuttel 0.
UE 81 – Lee 27, Acibar 16, Casajeros 12, Duran 10, Reyes 9, Zamar 5, Razon 2, Santos 0, Rosopa 0.
Quarterscores 28-12, 43-36, 67-66, 91-81.
- Latest
- Trending