Pagkatapos ng napakaraming kontrobersya, sa wakas ay pinangalanan na bilang pangsiyam na chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) si Ricardo “Richie” Garcia bilang kahalili ni Ambassador Harry Angping.
Kinumpirma yan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. na nasa kanyang mga kamay na ang appointment papers ni Garcia na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino, na kanyang pamangkin.
Nakatakdang makipagkita si Cojuangco kay Garcia ngayon para talakayin ang 16th Asian Games sa darating na Nobyembre sa Guangzhou, China.
Napakarami kasing pinagdaaanan ni Garcia bago naging opisyal ang kanyang pagkakanombra. May mga ilang partido kasi na ayaw sa kanya dahil sa dati na raw itong mukha sa PSC. Naging Commissioner na rin kasi ng PSC noon si Richie Garcia. Dalawang administrasyon pa nga ang kanyang pinaglingkuran, noong panahon ni Pangulong Joseph Estrada noong 1998 at nanombrahan siya muli noong 2000 sa panahon ni Pangulong Gloria Arroyo.
Ngayon pa lamang ay pagkakaisa na ang hiling ni Garcia sa kanyang mga detractors. Pero dahil nga sa gusto rin siya ni Cojuangco, tiyuhin ni Pangulong Benigno Aquino III, sa PSC chairmanship, tiyak na suportado ng POC ang PSC.
Makakasama ni Garcia sa PSC board ang kapwa nirekomenda ni Cojuangco na sina commissioners Akiko Thomson-Guevarra, na holdover ng nakaraang adiministrasyon, at ex-national swimmer at dating Philta president Salvador “Buddy” Andrada, former basketball player Joaquin “Chito” Loyzaga at Jolly Gomez ng Little League Baseball. Kasama rin sa nanombrahan bilang executive director si Geraldine Bernardo ng dragon boat.
***
Sa unang salang pa lamang ng mga naturang opisyal ay sigurado na silang mapapalaban.
Hindi sa sports, kung hindi sa pagrerepaso sa mga tauhan sa PSC. Marami kasi rito ang casual. Halos wala pa sa kalahati ang regular kaya nga tinitingnan ngayon kung ano ang gagawin ni Garcia sa mga ito.
Ang mga casual na ito kasi ay mga remnants ng mga dating PSC chairman, siyempre kapag may bagong PSC officers, kanya-kanyang dala ng tao. Isang PSC chairman nga raw ay isang barangay ang ipinasok.
Isa pa nilang problema ay ang NPA o non-performing assets ng government sports agency. May mga plantilla ang mga empleyadong ito kaso hindi na napapakinabangan sa serbisyo. Dapat siguro ay buhayin uli ni Garcia ang early retirement program para sa mga empleyadong ito.
Hindi rin naman natin masisi ang ilan. Iyong iba ay matatanda na o kaya ay naman ay nademoralisado. Pero sabi nga hindi iyon dahilan sa public service lalo na’t krusyal ang ginagampanang tungkulin ng mga ito.
Paano kaya lilinisin ito ni Garcia?
***
Talagang pinaghandaan ng todo ni NAASCU president Dr. Jay Adalem ng host school St. Clare Caloocan ang pagbubukas ng kanilang 10th season sa darating na Hulyo 30 at take note, dalawang venue ang kanilang opening ceremonies--isa sa Ninoy Aquino Stadium at ang main venue ay gaganapin naman sa Rizal Memorial Coliseum at tiyak na ang bonggang-bonggang opening nito.