Garcia bagong PSC chairman
MANILA, Philippines - Bagamat inirekomenda siya ng tiyuhin ng Pangulo ng bansa, hindi ito makakaapekto sa gagawin niyang desisyon bilang bagong chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ito ang nilinaw kahapon ni Richie Garcia sa isang press conference sa PSC Board Room sa PSC Building sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila hinggil sa pagrerekomenda sa kanya ni Philippine Olympic Committee (POC) chief Jose “Peping” Cojuangco, Jr. kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
“Hindi naman porke sinabi ni Cong (Cojuangco) ay gagawin namin. And besides, hindi naman namin puwedeng aprubahan ang labag sa batas,” ani Garcia kay Cojuangco, dating Congressman ng Tarlac.
Nilinaw ni Garcia na ang bawat desisyon ng sports agency ay manggagaling sa PSC Board na kinabibilangan nina Commissioners Chito Loyzaga, Col. Buddy Andrada, Atty. Jolly Mendoza at Akiko Thomson.
Tanging ang Olympian na si Thomson, naupo bilang Commissioner noong 2008, ang naiwan sa mga miyembro ng dating PSC Board na dating pinamunuan ni chairman Harry Angping.
“Definitely, this will be an active board. Magkakaroon ang mga Commissioners natin ng mga respective functions nila. Lahat ng desisyon ay hindi manggagaling sa akin as chairman kundi from the board,” sabi ng 64-anyos na si Garcia, nagsilbi na ring Commissioner sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Unang naupo ang dating national golfer na si Garcia bilang Commissioner noong 1998 sa panahaon ni Presidente Estrada at muling nailuklok sa administrasyon ni Presidente Arroyo noong 2003 hanggang mapalitan noong 2006.
Uupo naman si Dina Bernado, dating Southeast Asian Games gold medalist sa traditional boat race, bilang executive director ng komisyon.
- Latest
- Trending