Lady Falcons dinagit ang Bulldogs sa Shakey's V-League
MANILA, Philippines - Matapos malasap ang kanilang unang kabiguan sa kamay ng baguhang Perpetual Help sa loob ng limang sets noong Huwebes, bumangon ang Adamson University upang angkinin ang kanilang unang panalo laban sa isa pang baguhan na National University sa loob lamang ng tatlong sets sa pagpapatuloy ng aksyon ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League sa The Arena sa San Juan kamakalawa ng gabi.
Sumampa sa win column ang Lady Falcons ng kanilang ipalasap sa Lady Bulldogs ang una nitong talo, 25-17, 25-19 at 25-21 at nakitabla sa tatlo pang team para sa ikatlong puwesto ng volleyball league na iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.
Sa pangunguna ni Pau Soriano na mayroong 14 hits, nalimitahan ng Adamson ang NU sa pamamagitan ng kanilang magandang depensa.
Sinegundahan nina mainstays Angela Benting at Gail Martin ang magandang laro ni Pau Soriano sa kanilang inirehistrong 12 at 10 puntos habang sina guest players Nene Bautista at Mik Mik Laborte ay may tig-walong puntos.
Nalimitahan naman si Mervic Mangui na gumawa ng 26 points sa kanilang tagumpay laban sa CSB sa pitong puntos lamang habang sina Maricar Nepomuceno at Elaine Sagun ay nagkasya lamang sa lima at walong puntos. Pinamunuan ni guest player Din Din Santiago ang Lady Bulldogs sa kanyang tinalang siyam na puntos.
Sa kanilang 1-1 win loss card, tumabla ang Adamson sa Lyceum, Perpetual at NU sa ikatlong puwesto. Nasa unahan ng torneo ang San Sebastian at Ateneo na pawang may 2-0 baraha.
Nasa ikapitong puwesto naman ang FEU na may 1-2 talo barahang kartada at nasa hulihan ang St. Benilde na wala pa ring panalo sa tatlo nitong laban.
Nakatakdang maglaban ang top two teams na Ateneo at San Sebastian sa Huwebes sa main event habang magduduwelo naman ang Perpetual at NU sa alas-2 at maghaharap naman sa alas-4 ang Adamson at Lyceum.
- Latest
- Trending