Sa Guangzhou Asian Games: Fil-Aussie riders tiwala sa medalya
MANILA, Philippines - Kumbinsido ang isang Fil-Aussie lady cyclist sa kanyang tsansa na makapaghatid ng medalya para sa Pilipinas sa Guangzhou Asian Games sa China sa Nobyembre.
Si April Effynger, na dumating sa bansa nitong Sabado para sumali sa idinadaos na dalawang araw na Koten Unification National Qualifying races sa Amoranto Velodrome sa Quezon City, ang naghayag ng kanyang kahandaan na makipagsabayan sa sprint race sa track.
“I’m in the best form of my life and continuing to be so. Come Asian Games, I’m looking forward to competing and giving the top riders a run for placing,” wika ni 24-anyos na siklista na ang ina na si Agnes ay tubong Baguio.
Sumali si Effynger sa women’s 500m ITT time trial at nagtala ito ng pinakamabilis na oras na 40.06 segundo. Tinalo niya ang national rider na si Maritess Bitbit at dating triathlete na si Annalisa Dysangco na may 41.31 at 44.31 segundo.
Sinubok din siya sa sprint race at kinuha niya ito sa 13.03 segundo.
“For me to win a medal in the sprint race, I need to have a sub-12 time which is achievable because my personal best is at 12 flat,” wika nito.
Kondisyon siyang kumarera sa unification race na ipinag-utos ng Philippine Olympic Committee para sa dalawang grupo ng Philcycling, dahil lumahok siya sa isang Gran Prix sa Perth Australia nitong nagdaang linggo.
Kasabayan niya ang mga national cyclist ng Australia at mga pambatong local riders at tumapos siya sa pang-apat sa sprint at panlima sa kirin.
Idinagdag pa nito na may karera rin dapat siyang sasalihan sa linggong ito sa Australia pero ipinagpaliban upang magkaroon ng pagkakataong masama sa national team na tutulak sa China.
Kasamang nagpasikat sa unang araw ng karera sa track ay sina Nilo Estayo at Ronald Gorrantes.
Ang beteranong si Estayo ay nanguna sa 1-k individual pursuit sa bilis na 1:14:82 at tinalo niya si Gorrantes na may 1:16:17 at si George Oconer sa 1:16:31.
Nakabawi naman si Gorrantes ng pangunahan ang 4-k ITT sa bilis na 5:19:10 o isang segundong mas mabilis kay Lloyd Lucien Reynante.
Apat ang kinuha sa karerang ito at ikatlo at ikaapat na kasapi ay sina Mark Julius Bonzo at John Mier.
Ang puwesto sa Sprint sa kalalakihan at Kirin ang paglalabanan sa pagtatapos ng track elimination habang sa Hulyo 23 at 24 ay gagawin ang Road races at sa 25 ay ang Mountain Bike sa Subic Bay.
- Latest
- Trending