Garcia UAAP PoW
MANILA, Philippines - Kung may isang dahilan sa maagang panunuwag ng Far Eastern University, ito’y dahil na rin sa magandang inilalaro ni Ryan Roose Garcia.
Tinaguriang “RR”, ang 5’11 guard ang siyang tumatayong lider ng Tamaraws nang kunin nila ang 72-69 at 76-72 mga tagumpay na naiposte sa Ateneo at National University.
“Super ang ipinakikita niya. Alam niya na siya ang inaasahan sa team at nagdedeliber siya,” wika ni FEU coach Glen Capacio.
Ang dating national youth player ay naghahatid ng 21.5 puntos sa naunang dalawang laro.
Kumamada siya ng 25 puntos upang mapantayan ang kanyang career high sa UAAP nang kunin ang panalo sa nagdedepensang Eagles.
Si Reil Cervantes naman ang namayani para sa Tamaraws ng kinaharap ang Bulldogs pero naroroon pa rin si Garcia sa ibinagsak na 18 puntos.
May 7 of 15 shooting siya sa larong ito bukod pa sa apat na assists para ibigay sa FEU ang magandang simula sa huling mga taon.
Sa dalawang naipanalong laro ng Tamaraws, si Garcia ay may 6 of 17 shooting sa tres at 9 of 18 sa 2-point field. May 3.5 rebounds at 1.5 blocks din siyang average para mapangatawanan ang pagiging pamalit sa puwestong iniwan ng dating kamador at lider na si Mark Barroca.
Sa ipinakitang ito ni Garcia, siya ang naging kauna-unahang Accel-FilOil UAAP Player of the Week mula sa UAAP Press Corps.
Ang nakatagisan ni Garcia para sa lingguhang citation na ito ay si Eric Camson ng Adamson na naihatid ang Falcons sa 1-1 karta sa nagdaang linggong asignatura.
- Latest
- Trending