Roger Yap, Baguio nagsalo sa PBAPC Player of the Week
MANILA, Philippines - Isang Cebuano pride at isang Iligan City star ang umagaw ng eksena sa katatapos na quarterfinals series ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
Nagsalo sina Roger Yap ng Derby Ace at Cyrus Baguio ng Alaska para sa Accel-PBA Press Corps Co-Players of the Week award para sa linggo ng Hulyo 12-18.
Dalawang krusyal na three-pointers ang isinalpak ni Roger Yap ng Cebu City upang tulungan ang Llamados sa dalawang sunod na panalo kontra Rain or Shine Elasto Painters.
Nagbida naman si Baguio ng Iligan City sa malaking tagumpay ng Aces sa Ginebra Gin Kings sa Game Five.
Kapwa winakasan ng Derby Ace at Alaska ang kani-kanilang best-of-five quarterfinals showdown sa 3-2, ayon sa pagkakasunod.
Makakasukatan ng Llamados ang nagdedepensang San Miguel Beermen, samantalang makakaharap ng Aces at Talk ‘N Text Tropang Texters sa best-of-seven semifinals series.
“He knows what to do in pressure-packed situations and he somehow has the uncanny ability to elevate his performance when the game is on the line,” ani Derby Ace coach Ryan Gregorio kay Roger Yap. “He is a competitor who never backs down from challenges. His high-level of play in Games 4 and 5 contributed magnificently in our come-from-behind win against Rain or Shine.”
Tinalo ng Llamados ang Elasto Painters sa Game Five via overtime, 105-100, tampok ang game-high 49 points ni Tony Washam.
Hindi maitutulak ng Derby Ace sa naturang deciding game ang Rain or Shine kundi sa pamamayani ni Roger Yap sa kanilang 92-78 pananaig sa Game Four noong nakaraang Biyernes.
“Roger brings toughness on defense and stability on our offense,” ani Gregorio sa kanyang pointguard na may mga averages na 13.5 points, 8.5 rebounds, 7.5 assists at 1.0 block sa kanilang huling dalawang panalo.
Nagposte naman si Baguio ng mga averages na 18.0 points, 4.0 rebounds, 4.5 assists at 2.0 steals sa nakaraang dalawang laban ng Alaska sa Ginebra, kasama rito ang kanyang 22 points sa kanilang 93-91 tagumpay sa Game Five.
Magsisimula ang semifinal round bukas sa Araneta Coliseum.
- Latest
- Trending