MANILA, Philippines - Walang kontrobersya ukol sa dayaan sa amateur boxing ngayon. Ito ang tiniyak ni International Amateur Boxing Association (AIBA) president Dr. Ching-Kuo Wu sa kanyang pagbisita sa Pilipinas.
Sinabi ng AIBA chief na walang mangyayaring dayaan sa ilalim ng kanyang administrasyon sa amateur boxing na dating ikinunsiderang ‘red-light district’ sa palakasan.
“I have the determination. As (AIBA) president, I guarantee that tournaments will be clean and transparent,” wika ng architect mula sa Taiwan na tumunghay sa katatapos na MVP International Friendship Cup sa PICC Forum.
Pitong bansa ang lumahok sa naturang torneo kung saan tinanghal na overall champion ang Team Philippines.
Sumuntok ng walo sa kabuuang 12 gold medals ang mga national pugs, habang apat naman ang naiuwi ng Thailand.
Sinabi ng AIBA president na sinimulan niya ang paglilinis ng amateur ranks nang siya ay maupo noong 2006.
“I have suspended three vice presidents, a secretary-general, and several high-ranking officials who were caught trying to manipulate competition,” wika ni Wu, isang self-confessed basketball fan.