MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang sunod na kabiguan, hindi na pinayagan pa ng Far Eastern University na madagdagan pa ang kanilang talo matapos nilang padapain ang College of St. Benilde sa ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Inangkin ng Lady Tamaraws ang kanilang kauna-unahang panalo matapos dumapa sa Ateneo at Lyceum, sa apat na sets na tagumpay kontra sa Blazers, 25-29, 25-17, 21-25 at 25-22.
Iginiya ni dating FEU standout at ngayo’y guest player na si Raquel Daquis ang Morayta-based spikers sa kanyang kinanang 25 points, 22 mula sa spikes at tatlo mula sa service aces. Tinulungan siya ng kapwa guest player na si Michelle Carolino na nagposte ng 20 points, 18 mula sa spikes at dalawa mula sa service aces.
Nagsalo naman sa 12 points sina Cherry Mae Vivas at Kathlene Magsumbol para sa FEU na hindi napakinabangan si Monique Tiangco matapos matapilok sa unang set ng laban.
Binitbit naman ni mainstay Giza Yumang ang Lady Blazers sa kanyang 17 hits habang ang tambalan naman nila Rossan Fajardo at Cindy Optana ay may 24 points.
Kinuha ng Lady Tamaraws ang unang set ng laban matapos maghabol mula sa 17-12 na kalamangan ng Lady Blazers. Tinapos ni Michelle Carolino ang first set sa kanyang tatlong sunod na hits. Matapos nilang kunin sa madaling paraan ang ikalawang set, binigla sila ng Lady Blazers sa ikatlong set bago tuluyang kunin ang laro sa ika-apat na set.
Ang panalong ito ng koponan ni coach Nes Pamilar ang pumutol sa kanilang 6-game losing streak sa premyadong volleyball league sa bansa mula pa noong unang conference ng kasalukuyang season na inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza.
Nanatili naman sa duluhan ng standings ang Blazers sa kanilang 0-3 panalo talong kartada.