MANILA, Philippines - Kinuha ni AJ Banal ang bakanteng WBO Asia Pacific bantamweight title sa pamamagitan ng fifth round knockout kontra kay Hayato Kimura ng Japan na idinaos nitong Sabado ng gabi sa Carlos P. Garcia Sports Complex sa Tagbilaran City.
Nabilangan si Kimura ni referee Bruce McTavish nang bumulagta matapos masapol ng kanan na nasundan ng kaliwang uppercut may 1:59 sa orasan.
Mahigpitan ang sagupaan pero angat si Banal sa Hapon na naputukan nang aksidenteng magkauntugan sila ng katunggali.
Ito ang ika-22 panalo sa 24 laban ni Banal bukod pa sa pang-18 KO habang si Kimura ay nalaglag sa kanyang ikatlong kabiguan sa 19 na laban at may 11 KO. Pero ito ang unang pagkakataon para sa bisitang boksingero na matalo sa pamamagitan ng KO.
Nakabase na sa Seoul, mataas ang morale ni Kimura dahil kagagaling lamang ito ng isang fifth round KO panalo laban kay BJ Dolorosa ng Pilipinas sa labang ginanap sa Tokyo.
Kasamang kuminang ni Banal ay si Jason Pagara na sumuntok ng second round TKO panalo laban kay Young Bin Kim ng Korea.
Matitinding kaliwa ang ginamit ng mas maliit na si Pagara na kanyang sandata at naputukan nga sa kilay ang Koreano dahilan upang matigil ang laban sa loob ng 2:18 ng pangalawang round.
Ang ikatlong boksingero ng Ala Boxing Stable na si James Bacon ay humirit din ng KO panalo sa loob ng anim na rounds laban kay Eric Macas.
Kasama ring nagpasiklab ay si Rey “Boom Boom” Bautista na sumabak lang sa isang three round exhibition bout laban kay Fernando Otic ng Cebu.