MANILA, Philippines - Tuluyan nang isinubi ng Team Philippines ang overall crown ng 1st MVP International Boxing Friendship Cup kahapon sa PICC Forum Tent.
Kabuuang walong gold medals, lima sa women at tatlo sa men’s division, ang inangkin ng national team bukod pa ang limang silvers at anim na bronzes sa torneong nagtampok sa 39 men at 19 women boxers mula sa pitong Asian countries.
Sumegunda ang Thailand sa kanilang 3 gold medals, 4 silvers at 3 bronzes.
Ang limang ginto sa women’s class ay sinuntok nina Annie Albania, Josie Gabuco, Alice Kate Aparri, Nesty Petecio at Analisa Cruz.
Tinalo ni Albania, ang silver medalist sa 2008 World Boxing sa China, si Peamwilai Laopeam ng Thailand, 5-2, sa 51kgs. category; binigo ni Gabuco si Tu Fen Weng ng Chinese Taipei, 10-1, sa 46kgs.; iginupo ni Aparri si Shiqi Xu ng China, 2-0, sa 48kgs.; kinaldag ni Petecio si Weng Lin Cheng ng Chinese Taipei, 24-4, sa 57kgs.; at pinayukod ni Cruz si Naome Tacda, 7-1, sa all-Filipino finals sa 54kgs.
Sina Charly Suarez, Joegin Ladon at Delfin Boholst ang nanaig sa kani-kanilang Thai rivals sa men’s category.
Ang walong gold medalists ay tumanggap ng tig-$1,000 mula kay sportsman at business tycoon Manny V. Pangilinan.
Pinahiya ni Suarez si Athens Olympic silver medalist Worapoj Petchikoom, 7-4, sa 57 kgs.; kinasahan ni Ladon si Apichat Kulsri, 4-2, sa 60kgs.at ginitla ni Boholst si Apichet Saensit, 4-3, sa 69kgs.