MANILA, Philippines - Nagamit nang husto ng Llamados ang kanilang eksperyensa laban sa mga bagitong Elasto Painters upang makaharap ang nagdedepensang Beermen sa semifinal round.
Umiskor si import Tony Washam ng game-high 49 points, habang nagsalpak naman ng mahahalagang puntos sina James Yap at Rafi Reavies sa overtime period upang itakas ang Derby Ace sa Rain or Shine, 105-100, sa Game 5 ng kanilang quarterfinals series para sa 2009-2010 PBAFiesta Conference kahapon sa Aranate Coliseum.
Tinapos ng Llamados ang kanilang best-of-five quarterfinals showdown ng Elasto Painters sa 3-2 matapos bumangon mula sa isang 1-2 deficit.
Makakasagupa ng Derby Ace ni coach Ryan Gregorio ang San Miguel ni Siot Tanquingcen sa best-of-seven semifinals series.
“It’s really an incredible series. Every time we face Rain or Shine, they always pushed us to the limit,” sabi ni Gregorio sa Asian Coatings franchise na naging wildcard survivor.
Sinupalpal ni Washam, anak ng dating import ng Gilbey’s Gin na si Tony Washam, ang drive ni Sol Mercado kasunod ang paghugot ng isang offensive foul kay Eddie Laure para protektahan ang 96-90 lamang ng Llamados sa overtime.
Huling nakalapit ang Elasto Painters sa 98-100 agwat buhat sa salaksak ni Gabe Norwood ngunit isang putback ni Reavis atdalawang freethrows ni James Yap sa natitirang 10.1 segundo ang naglayo sa Llamados sa 104-100.
Nalimita ng Derby Ace si Mercado sa isang puntos sa kabuuan ng first half ngunit tumipa naman ng 22 sa second at third quarter para sa Rain or Shine.
Nahawakan ng Elasto Painters ang 89-87 abante sa dulo ng final canto nang isalpak ni KG Canaleta ang isang three-pointer para ibigay sa Llamados ang 90-89 abante sa huling 47.3 segundo.
Nauwi sa extension ang laro matapos ang split ni Mercado galing sa foul ni Canaleta.
Derby Ace 105 - Washam 49, Maierhofer 17, Yap. R. 14, Ya J. 13, Reavis 8, Canaleta 3, Artadi 1, Simon 0, Pingris 0, Allado 0.
Rain or Shine 100 - Norwood 25, Mercado 23, Nealy 12, Laure 12, Cruz 8, Arellano 6, Arana 5, Chan 3, Hrabak 3, Telan 2, Salangsang 1, Ibanes 0.
Quarterscores: 29-14, 58-40, 72-69, 90-90, 105-100.