6 pang Pinoy pugs sa finals

MANILA, Philippines - Maaari nang tanghaling virtual overall champion ang Team Philippines.

Ito ay matapos umabante sa final round ang anim pang Filipino fighters sa 1st MVP International Boxing Friendship Cup kahapon sa PICC Forum Tent.

Nanalo sa kani-kanilang semifinal matches sina Annie Albania, Nesthy Petecio, Victorio Saludar, Charly Suarez, Joegin Ladon at Jimmy Vallares.

Tinalo ni Albania si Jan Jayasinghe ng Sri Lanka, 9-0, sa 51kgs. category; binigo ni Petecio si Rewadee Damsri ng Thailand, 11-7, sa 57kgs.; iginupo ni Saludar si TM Tennakoon ng Sri Lanka sa first round sa 48kgs; giniba ni Suarez si Chin Yuan Kao ng Chinese-Taipei sa 57kgs; sinibak ni Ladon si Yu Chen ng China, 8-3, sa 60 kgs. at pinauwi ni Vallares si Pri Rajapaksha ng Sri Lanka, 4-1, sa 64 kgs.

Minalas naman sina Rolando Tacuyan, Bill Vicera at pinsang si Jameboy sa kani-kanilang mga laban.

Yumukod si Tacuyan kay Oatcharija Haewsuno ng Thailand,1-10, sa 64kgs, habang natalo si Bill kay Zhiongling Wu ng China, 2-12, sa 48kgs. at nabigo si Jameboy kay Apitchet Kulsri ng Thailand, 2-4, sa 60kgs.

Lima pang boksingero ng Amateur Boxing Asso­ciation of the Philippines (ABAP) ang nauna nang pu­masok sa finals sa naturang seven-nation slugfest.

Pinanood naman ni sportsman at business tycoon at ABAP chairman Manny V. Pangilinan ang mga laban kasama ang buong Talk N’ Text PBA basketball team.

Show comments