MANILA, Philippines - Sa tagisan ng dalawang walang talong koponan, mas kinakitaan ng asim ng paglalaro ang ML Kwarta Padala-Cebu nang kunin ang 78-73 panalo sa Misamis Oriental sa pagtatapos ng 6th leg Tournament of the Philippines elimination round sa New Cebu City Coliseum.
Nangibabaw ang mga malalaking manlalaro ng Ninos sa pamumuno ni Bruce Dacia sa huling yugto upang manalo sa unang pagkikita ng karibal na Meteors.
Ang Cebu at MisOr ay magkalabang mortal sa Liga Pilipinas at nanalo ang Meteors sa Ninos sa second conference finals bago bumawi ang Ninos nang maghari sa ikatlong conference.
Nakapagdomina ang Cebu at nakalayo nga ng hanggang 11 puntos sa magkasunod na buslo ni Marlon Basco, 47-36.
Pero hindi basta-basta sumuko ang Meteors at humabol sa mga buslo nina Eder Saldua, Neil Raneses at Ronald Lamocha.
Tinapos naman ng Hobe Bihon-Taguig ang dalawang sunod na kabiguan gamit ang 95-77 panalo sa Mandaue sa unang laro.