Manila, Cebu mag-uunahan sa Game-1

MANILA, Philippines - Sisikaping mapatuna­yan ng Manila na taglay na nila ang arsenal para magkampeon sa pagbangga sa Cebu sa pagbubukas ng Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VI Finals ngayon sa Fellino Marce­lino Memorial Stadium sa Taguig City.

Pakay ng Sharks na makamit ang kauna-una­­hang titulo sa ligang inorga­nisa ng Community Sports Inc. matapos lumasap ng kabiguan sa unang tatlong pagkakataon na tumungtong sila sa Finals.

Dalawang beses nilang nakaharap ang Dolphins noong Series II at IV at pa­wang mga kabiguan ang ka­nilang nalasap.

Umusad din ang kopo­nan sa Finals noong Series V pero natalo rin sa Ba­tangas.

Pinalakas ng koponan sa pagkuha ng mga dating UAAP MVP Pitcher Jon Jon Robles bukod sa ilang mamamalo at hindi naman nasayang ito dahil nakamit nila ang number one stan­ding sa eliminasyon sa 4-1 bukod pa sa pagkapanalo sa Alabang, 5-4, sa larong inabot ng 14 innings sa Fi­nal Four.

Pero hindi dapat sila magkumpiyansa dahil mas beterano ang Dolphins na magsisikap ding gumawa ng kasaysayan bilang ka­una-unahang koponan na magkakaroon ng tatlong titulo sa liga.

Pinatalsik nila ang nag­dedepensang Batangas Bulls, 7-3, sa semifinals upang ipakita ang kahan­daan na makapagdomina uli.

Ganap na ala-1:30 ng hapon itinakda ang sa­gu­paan pero bago ito ay mag­lalaban muna ang Alabang at Batangas para sa third place trophy ganap na alas-9 ng umaga.

Show comments