Manila, Cebu mag-uunahan sa Game-1
MANILA, Philippines - Sisikaping mapatunayan ng Manila na taglay na nila ang arsenal para magkampeon sa pagbangga sa Cebu sa pagbubukas ng Dunkin’ Donuts Baseball Philippines Series VI Finals ngayon sa Fellino Marcelino Memorial Stadium sa Taguig City.
Pakay ng Sharks na makamit ang kauna-unahang titulo sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc. matapos lumasap ng kabiguan sa unang tatlong pagkakataon na tumungtong sila sa Finals.
Dalawang beses nilang nakaharap ang Dolphins noong Series II at IV at pawang mga kabiguan ang kanilang nalasap.
Umusad din ang koponan sa Finals noong Series V pero natalo rin sa Batangas.
Pinalakas ng koponan sa pagkuha ng mga dating UAAP MVP Pitcher Jon Jon Robles bukod sa ilang mamamalo at hindi naman nasayang ito dahil nakamit nila ang number one standing sa eliminasyon sa 4-1 bukod pa sa pagkapanalo sa Alabang, 5-4, sa larong inabot ng 14 innings sa Final Four.
Pero hindi dapat sila magkumpiyansa dahil mas beterano ang Dolphins na magsisikap ding gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang koponan na magkakaroon ng tatlong titulo sa liga.
Pinatalsik nila ang nagdedepensang Batangas Bulls, 7-3, sa semifinals upang ipakita ang kahandaan na makapagdomina uli.
Ganap na ala-1:30 ng hapon itinakda ang sagupaan pero bago ito ay maglalaban muna ang Alabang at Batangas para sa third place trophy ganap na alas-9 ng umaga.
- Latest
- Trending