MANILA, Philippines - Sinelyuhan ng ML Kwarta Padala-Cebu at Misamis Oriental ang puwesto sa finals sa 6th leg ng Tournament of the Philippines matapos kumubra ng magkahiwalay na panalo nitong Miyerkules sa New Cebu City Coliseum.
Sinandalan ng Ninos ang matibay na free throw shooting nina Stephen Padilla at Warren Ybañez sa huling 2:12 ng labanan nang magpasok ng 6 of 6 upang maikasa ang 114-110 habang sa depensa naman sumandig ang Meteors para sa107-92 panalo sa Taguig.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng dalawang koponan upang maokupahan na ang puwesto sa finals na gagawin sa Biyernes.
Magkikita muna ang Cebu at MisOr nitong Huwebes upang mapaglabanan ang number one at ang dalawang karagdagang puntos sa sinumang makakakuha ng 3-0 sweep.
Ikalawang sunod na kabiguan naman ang nalasap ng Mandaue at Taguig pero hindi sila basta-basta sumuko dahil nagbigay sila ng magandang laban.
Si Jan Villaver nga ay gumawa ng kasaysayan sa liga nang makapagtala ng 34 puntos upang tabunan ang 30 na dating pinakamataas na ginawa ni Padilla.
Nagbagsak nga siya ng pitong tres sa siyam na buslo upang katampukan ang career game.