Unang panalo sa Shakey's V-League sinikwat ng Perpetual
MANILA, Philippines - Mula sa isang masamang third set, nagawang bumangon ng Perpetual Help upang gulatin ang heavyweight na Adamson University at angkinin ang kanilang kauna-unahang panalo sa loob ng limang sets, 26-24, 18-25, 7-25, 25-20 at 15-13 sa ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 kahapon sa The Arena sa San Juan.
Binitbit ni guest player Nica Guliman ang Altalettes sa kanyang huling tatlong hits sa dikitang fifth set kabilang ang isang tip-in na nagdala ng tagumpay para sa Las Piñas-based volley belles na pinarisan ang panalo ng kapwa newcomer na NU noong Linggo.
“Nica (Guliman) used her experience to power the team to the win,” saad ni Perpetual coach Mike Rafael, “We played a solid game overall and the girls are in top shape.”
Nagtala ng 18 hits si Sandra delos Santos kabilang ang limang blocks habang si Guliman at Ronerry dela Cruz ang bumuhat sa opensa ng Perpetual sa kanilang kinopong 17 at 13 points ayon sa pagkakasunod upang tulungan ang mga baguhan na maipanalo ang huling dalawang set.
Ang kanilang magandang laro sa huling set ang nagwaksi sa kanilang masamang third set na kung saan nalimitahan lamang sila sa pitong puntos sa loob ng 23 minuto.
Si dating MVP Nerissa Bautista naman ang kumamada para sa Lady Falcons sa kanyang 22 hits. Sinegundahan nila Michelle Laborte na may 19 points kabilang ang anim na blocks, habang nagtulong sina Pau Soriano at Angela Benting na may tig-15 at si Gail Martin na may 11 points.
Nagdagdag ng walong puntos si April Sartin habang nagtulong naman para sa 14 puntos sina Norie Diaz, Mary de Luna, Michelle Datuin at Royse Tubino upang tulungan ang Perpetual na sumampa sa win column.
Nakatakdang harapin ng Altalettes ang Lady Eagles ng Ateneo sa Linggo.
- Latest
- Trending