Baycats dedepensahan ang titulo
MANILA, Philippines - Labing-isang koponan ang susubok na tanggalan ng korona ang naghaharing San Sebastian College-Cavite sa pagbubukas ng telon ng 10th season ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa napipinto nitong pagbabalik sa aksyon sa Hulyo 30 sa Ninoy Aquino Stadium at Rizal Coliseum.
Hangad ng Baycats ang ikatlong sunod na kampeonato sa prestihiyosong torneo na inorganisa ng NAASCU sa pangunguna ng presidente na si Dr. Jay Adalem ng host school St. Clare College Caloocan sa loob ng sampung taon.
Noong nakaraan taon, winalis ng SSC-R ang five-time titlists University of Manila sa kanilang nakatakdang best-of-three titular showdown upang angkinin ang kanilang back-to-back crown.
Inuwi ng mga bataan ni coach Egay Macaraya sa Cavite ang kanilang kauna-unahang titulo noong 2008 nang kanilang payukuin ang STI College.
“We expect another exciting basketball season with most of the teams ready to take another crack at the elusive title,” ani Dr. Adalem.
Ayon kay Adalem, bagaman apat pa lamang ang koponan, kabilang ang University of Manila, SSC-Cavite, STI College at AMA Computer University na nagwagi ng NAASCU title, mahigpit pa rin daw ang magiging kompetisyon at kapana-panabik dahil sa mga pinalakas na line-up ng iba pang koponan.
Magiging guest of honor para sa kanilang pambungad na seremonyas si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping habang magsisilbing keynote speaker si Misamis Oriental Governor Oscar Moreno.
Ayon kay Adalem, ang tema ng NAASCU ngayong taon ay “Education Through Sports”.
- Latest
- Trending