MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na mapanood ng live si Ana Julaton ng kanyang mga tagahanga sa bansa.
Inihayag ng kanyang manager na si Angelo Reyes na may inisyal ng usapan patungkol sa masidhing hangarin ni Julaton na lumaban sa harap ng kanyang mga kababayan sa bandang Setyembre.
“We have made some initial talks. Ana likes to be active and she wants to defend her title in September here in the Philippines. We’re really trying to make that happen,” pahayag ni Reyes nang nakausap ang mga mamamahayag.
Si Reyes ay nakasama ni Julaton na dumating ng bansa kahapon ng umaga at magtatagal sa loob ng limang araw. Iniharap sila sa mga mamamahayag ng GMA Network na siyang masugid na tumatangkilik sa career ni Julaton.
“I like to fight in the Philippines and be the first female boxer to fight for a world title here,” pahayag naman ng 30-anyos na si Julaton na binigyan din ng chocolate cake ni GMA Network President, Chairman at CEO Atty. Felipe Gozon bilang paggunita sa kanyang 30th kaarawan noong Hulyo 5.
Binanggit ni Julaton na nasa unang pagkakataon na bumisita sa bansa, ang pangarap na makalaban uli si Lisa Brown dito sa bansa pero bukas siya sa posibilidad na iba ang makaharap basta ang sunod niyang laban ay mangyari sa harap ng kanyang mga kababayan.
Natalo si Julaton kay Brown nang magkaharap noong Marso 27 upang mabigo sa tangkang pagsungkit sa WBC super bantamweight title.
Pero nakabawi na siya sa kabiguang iyon nang hiritan naman ng split decision panalo si Maria Elena Villalobos noong Hunyo 30 para makuha ang bakanteng WBO title at isama sa hawak niyang IBA title.
Rematch laban kay Villalobos o di kaya ay title fight laban sa WBC champion Marcela Eliana Acuna ng Argentina.
Pinasalamatan ni Julaton ang lahat ng mga taong patuloy na nanalig sa kanya at idinagdag na masaya siya hindi dahil nagkakampeon siya kundi dahil nabibigyan niya ng pagkakataong katawanin ang mga Filipina kapag siya’y lumalaban at nananalo sa ibang bansa.