Erica 'di magiging hadlang sa boxing career ni Viloria
MANILA, Philippines - Hindi hahadlangan ni Erica Navarro sa hangarin ni Brian Viloria na muling magkampeon sa larangan ng boxing.
Si Navarro ang matagal ng girlfried ng Fil-Hawaiian na si Viloria at sila ay nakatakdang magpakasal sa taong ito.
Sa pagharap nito sa mga mamamahayag matapos manalo si Viloria sa split decision kay Omar “Lobito” Soto nitong Sabado sa Ynares Sports Center sa Pasig City, sinabi niyang nakaramdam siya ng pagkabahala nang makita si Viloria na nakahiga sa kama sa ospital sa tinamong kabiguan sa kamay ni Colombian Carlos Tamara noong Enero.
Kinausap pa nga niya ang 29-anyos na dating WBC at IBF light flyweight champion kung ano ang balak nito matapos ang pangyayari sa kamay ni Tamara na nagresulta upang mabitiwan nito ang kanyang IBF title.
“We sat down and I asked him if this is what he want, to continue his boxing. He wanted it so I’m supporting him. I’m supporting him 110 percent, 200 percent if he wants to do what he wants to do. I’ll stand by his side,” wika ni Navarro.
Pinasalamatan naman ni Viloria ang suportang nakukuha sa magiging asawa at ipinangakong gagawin ang lahat upang hindi mabigo sa kanyang misyon, na makuha ang ikatlong world title sa mas mabigat na flyweight division.
Sa pamamagitan lamang ng split decision nanalo si Viloria kay Soto sa labang muntik na namang kinakitaan ng malamya nitong pagtatapos.
“I paced myself too much in that fight. I’m going back to the gym and work hard to get the old Viloria back,” pagtitiyak pa nito.
Nais niyang sumabak uli sa isa pang laban sa bandang Oktubre o Nobyembre at matapos nito ay malalaman niya sa sarili kung handa na ba siya para sa isang mabigat na laban kontra sa mga contenders sa dibisyon.
Ang mga kampeon na puwedeng labanan ni Viloria para sa kanyang ikatlong titulo ay sina Pongsaklek Wonjongkam ng Thailand sa WBC, Daiki Kameda ng Japan sa WBA, Julio Cesar Miranda ng Mexico sa WBO at Moruti Mthalane ng South Africa sa IBF.
- Latest
- Trending