MANILA, Philippines - Kung si dating PBA superstar Samboy Lim ang tatanungin, mas gusto niyang isang All-Filipino team ang isabak ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mga malalaking torneo ngayong taon.
Ngunit kung makakatulong sa Smart Gilas Pilipinas, hindi na niya ito kokontrahin.
“Siyempre, mas gusto natin na lahat Pinoy ang nasa national team natin,” sabi ni Lim. “Pero kung makakatulong naman para maging competitive ‘yung team, why not.”
Ang tinaguriang “Skywalker” ay naging miyembro ng NCC-San Miguel ni American coach Ron Jacobs na nagkampeon sa 1985 PBA Reinforced Conference, 1985 William Jones Cup at 1986 FIBA-Asia Championship. Itinampok sa naturang koponan sina ‘naturalized players’ Chip Engeland, Jeff Moore at Dennis Steele.
“Nu’ng panahon namin sa NCC may mga naturalized players din kami para maging competitive sa mga international competitions,” kuwento ng 48-anyos na si Lim, naglaro sa San Miguel mula 1988 hanggang magretiro noong 1997.
Samantala, nakatakda namang sumabak ang Smart Gilas sa 32rd William R. Jones Cup na magsisimula bukas kasabay ng pagbabandera kay 6-foot-10 Americfan import Marcus Douthit.
Ang 30-anyos na si Douthit ang siyang magiging ‘naturalized player’ ng Smart Gilas para sa paglahok sa 2011 FIBA-Asia Championship sa Beirut, Lebanon na siyang qualifying meet patungo sa 2012 London Olympic Games.