Lady Stags, Eagles nakauna
MANILA, Philippines - Magandang panimula ang sinalubong ng San Sebastian College at Ateneo De Manila sa kanilang kampanya sa 2nd conference ng Shakey’s Season 7 matapos nilang talunin ang kanilang mga kalaban kahapon sa The Arena sa San Juan.
Ginupo ng Lady Stags ang Lady Pirates sa unang laro sa loob ng tatlong sets lamang. Kinuha ng Lady Stags ang first two sets sa iskor na 25-15 at inangkin nila ang unang laro sa season-ending conference sa kanilang third set win sa iskor na 27-25.
Binigo naman ng Lady Eagles ang Lady Tamaraws sa ikalawang laro upang sumampa agad sa win column ng ligang inisponsoran ng Shakey’s, Accel, Mighty Bond at Mikasa. Pinagwagian ng Lady Eagles ang first at second set sa magkaparehas na iskor na 25-19 at sinungkit nila ang kanilang first win sa third set sa dikit na iskor na 28-26.
Pinangunahan ni Thai import Jaroensri Bualee ang atake ng mga taga-Legarda sa kanyang kinopong 16 points, 14 mula sa spikes at dalawa mula sa service aces habang pinasan naman ni dating UST Tigress at guest player Mary Jean Balse ang laro para sa mga taga-Muralla sa kanyang 11 points, walo mula sa spikes at tig-isa mula sa block at service ace.
Nakakuha ng tulong ang koponan ni coach Roger Gorayeb mula kila Mary Joy Benito na nagtala ng 13 points mula sa spikes at nakakuha naman ng two blocks si Ma. Melissa Mirasol habang ang isa pang guest player ni Coach Emil Lontoc na si Dahlia Cruz ang tumulong kay Balse na nagtala ng anim na spikes at dalawang service ace.
Nagbida naman sa panalo ng mga taga-Katipunan ang isa pang Thai import na si Surasawadee Boonyuen na nagkopo ng 13 points, sampu mula sa spikes at tatlo mula sa blocks. Para naman sa mga taga-Morayta, ang kanilang dating pambato at ngayo’y guest player na si Rachel Daquis ang nanguna sa kanilang opensa sa kanyang itinalang 15 points, 14 dito ay mula sa spikes at isa ay mula sa isang service ace.
Upang matulungan ang Thailand national team B player na si Boonyuen, kumamada si Bea Pascual ng siyam na spikes habang nag-ambag si Gretchen Ho ng tatlong blocks. Sumalalay naman kay Daquis sa opensa si Monique Tiangco na nagdagdag ng anim na spikes.
- Latest
- Trending