Blue Eagles nasorpresa sa Tamaraws; Bulldogs sumadsad sa Falcons
MANILA, Philippines - Kumawala si RR Garcia ng 25 puntos upang pamunuan ang FEU sa kinuhang 72-69 panalo laban sa Ateneo habang tinapos din ng Adamson ang masamang ipinakikita sa unang laro sa pagpapatuloy kahapon ng 73rd UAAP men’s basketball sa Araneta Coliseum.
Tampok na buslo ni Garcia ay ang kanyang kinumpletong 3-point play laban kay Kirk Long na bumasag sa huling tabla sa 67-all, at makuha uli ng Tamaraws ang momentum sa mahigpitang sagupaan.
“Ako ang leader sa team namin at dapat maging example kaya ginagawa ko lahat para sa kanila at makatulong sa team,” wika ng tubong Zamboanga na guard ni coach Glen Capacio.
Nagkaroon ng siyam na tabla at 13 lead change sa labanan upang maipakita ang higpit ng tagisan ng labanan.
“Bago ang larong ito ay marami ang nagduda sa puso ng mga players. Champion team ang nakalaban namin at masaya ako na ipinakita nila na may puso sila dahil hindi sila bumigay sa endgame,” wika pa ni Capacio.
Nagkaroon ng mga pagkakataon ang Eagles na maagaw o maihirit ng tabla ang laban pero minalas sila.
Lamang lang sa 71-69 ang FEU, sumablay ang undergoal stab ni Mico Salva para sa huling dagok sa opensa ng Ateneo.
Huling nakatikim ng unang kabiguan sa unang laro ang Eagles noon pang Hulyo 10, 2005 sa kamay ng La Salle, 60-78.
Nakasalo rin ang Adamson Falcons sa liderato gamit ang 60-54 panalo sa National University Bulldogs sa unang laro.
- Latest
- Trending