Split decision naman kay Viloria
MANILA, Philippines - Marami pang kailangang gawin si Brian “Hawaiian Punch” Viloria kung nais niyang maisakatuparan ang hangaring makuha ang ikatlong world title sa flyweight division.
“Its back to the drawing back and I’m going back to the gym and keep working harder so I can came out strong in my next fight,” wika ni Viloria matapos manalo laban kay Omar “Lobito” Soto sa pamamagitan lamang ng isang split decision.
Nagkaroon uli ng malakas na panimula si Viloria pero kapansin-pansin ang paghina nito sa kalagitnaan na rounds sa 10-round non-title fight nitong Sabado ng gabi sa Boxing at the Bay sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Mabuti na lamang at nakarekober siya sa ikasampu at huling round upang makuha ang simpatiya ng mga huradong sina Ricardo Canlas at Edwin Sese na nagbigay ng 97-93 iskor at tabunan ang 97-93 iskor din para kay Soto mula kay Atty. Epi Almeda.
Ilang beses sinenyasan si Viloria na atakihin si Soto matapos niyang yanigin ito ng mga malalakas na straight pero tila nakontento na ang 29-anyos na Fil-Hawaiian sa ganitong istilo ng laban.
Aminado naman si Viloria na malayo siya sa dating Viloria na umani ng world titles sa WBC at IBF light flyweight titles pero hindi naman siya dismayado sa ipinakita lalo nga’t ang kanyang misyon nang harapin si Soto ay ang makilatis kung saan ang kanyang kalidad matapos nga ang nakalulumong pagkatalo sa kamay ni Colombian Carlos Tamara noong Enero 23 para sa kanyang IBF light flyweight title.
- Latest
- Trending