MANILA, Philippines - Iwinagayway ni Nonito Donaire Jr. ang bandila ng Pilipinas sa Puerto Rico nang mapagtagumpayan na maidepensa ang interim WBA super flyweight title laban kay Hernan Marquez ng Mexico .
Pinahanga ni Donaire ang mga tumangkilik sa fight card na ginawa sa Coliseo Jose Miguel Agrelot nang ipamalas ang kanyang magagandang timing at lakas para kunin ang panalo sa pamamagitan ng eight round Technical Knockout na tagumpay.
Nailusot ni Donaire ang matinding left uppercut sa bukas na panga ni Marquez upang matumba ito. Sinikap man niyang bumangon ay nagdesisyon si referee Roberto Ramirez na itigil na ang sagupaang dominado ni Donaire sa 2:59 ng eight round.
“I was really confident going in there. I took some beating but I think I needed that,” wika ng 27-anyos na boksingero na kinuha ang ika-24 panalo sa 25 laban at 16th KO.
Ang panalong ito ay pumawi sa kabiguan nina Bernabe Concepcion at Eden Sonsona na parehong natulog sa kanilang mga nakalaban.
Nagbayad si Concepcion sa desisyong makipagsabayan sa knockout artist na si WBO featherweight champion Juan Manuel Lopez nang bumulagta ito ng tatlong beses sa labang tumagal lamang dalawang round.
Naunang tumumba si Concepcion sa unang minuto ng first round pero tila nakabawi ito nang mailusot ang isang uppercut para bumulagta rin si Lopez ilang segundo bago natapos ang nasabing round.
Ang pangyayari ay tila nagbigay ng kumpiyansa kay Concepcion na siyang hinintay ni Lopez.
Isang matinding kanan ang pinakawala ng Puerto Rican champion para bumagsak uli ang Filipino challenger. Bagamat nakabangon pa, hindi na nilubayan ni Lopez ang kalaban at isa pang kanan ang nagpahalik uli sa lona kay Concepcion para matapos ang sagupaan may 2:37 sa 2nd round.
May 29-0 kasama ang 26 KOs si Lopez habang ikaapat na kabiguan sa 33 laban ito ni Concepcion na nabigo sa ikalawang pagtatangka na maging world champion.
Naunang natalo si Concepcion kay Steven Luevano noong 2009 nang ma-disqualify ito dala ng isang illegal punch.
Bumulagta naman si Sonsona sa isang malakas na kanan ni Jonathan Oquendo sa eight round para mabigo sa WBO bantamweight eliminator.
Ang pagtumba ni Sonsona ay dala na rin ng labis na hirap dala ng panggugulang si Oquendo na makailang ulit na nagpakawala ng low blows sa unang tagpo ng sagupaan.