Bernabe palalakasin ng hangaring maging world champion sa pagsagupa kay Lopez ngayon
MANILA, Philippines - Masidhing hangarin na maging world champion ang papawi sa pagiging underdog ni Bernabe Concepcion sa pagsagupa niya laban sa walang talong WBO featherweight champion Juan Manuel Lopez ngayon sa Coliseum Jose Miguel Agrelot sa San Juan, Puerto Rico.
Halos walang naniniwala na kakayanin ni Concepcion na mapatikim ng kabiguan si Lopez na mayroong 28-0 kasama ang 25 KO sa kanyang karta.
Ang dating two-division champion na si Gerry Peñalosa ng Pilipinas ang isa nga sa hiniya ni Lopez nang mapilitang umaayaw ito dala ng labis na pagkakabugbog sa Puerto Rican champion.
Ngunit may kumpiyansa si Concepcion sa kanyang tsansa at inihayag na nga ang paniniwalang mapapatulog niya si Lopez na may suporta rin ng mga manonood.
Plano ni Concepcion na hindi lubayan si Lopez at aantayin na magkamali ito para makuha ang sinasabing mahirap na panalo.
“I will do the best I can. I know I have to be at my best to defeat Juanma and I will be at my best,” wika ni Concepcion sa naunang panayam ng mga mamamahayag.
Hindi naman din minamaliit ni Lopez ang kanyang kalaban dahil alam niyang ang pagkagutom na makahawak sa titulo ang isa sa magtutulak sa Filipino challenger na magpakamatay sa ring.
Kinalaban na ni Concepcion si Steven Luevano para sa nasabing titulo noong nakaraang taon pero nabigo siya nang ma-disqualify matapos ang illegal punch. Si Luevano ang inagawan naman ng titulo ni Lopez sa pamamagitan ng KO.
Tumimbang si Concepcion sa 125 points habang nasa 125.3 pounds si Lopez sa wiegh-in kahapon.
Sasalang din si Nonito Donaire Jr.na idedepensa ang suot na WBA super flyweight title laban kay Hernan Marquez na may isang talo na nalasap sa kamay ng Filipino boxer na si Richie Mepranum nitong Marso.
Angat si Donaire na kinuha ang titulo nang manalo kay Rafael Concepcion noong nakaraang taon.
Si Eden Sonsona ay mapapalaban naman kay Jonathan Oquendo ng host country sa isang 10-rounder na isa sa undercard sa sagupaan.
- Latest
- Trending