Lady Stags, Pirates mag-uunahan sa buwenamanong panalo sa Shakey's V-League
MANILA, Philippines - Tatlong bigating laban ang nakatakdang maganap ngayong araw sa pagbubukas ng telon ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 sa The Arena sa San Juan.
Unang magbabanggaan ang San Sebastian at Lyceum sa alas-2 ng hapon na susundan ng pukpukan ng Ateneo at FEU sa alas-4 habang tampok naman sa alas-6 ng gabing salpukan ang NU at St. Benilde.
Muling kinuha ng Lady Stags ang power-hitting Thailander na si Jeng Bualee upang lalo pang palakasin ang kanilang atake laban sa Pirates.
Sa kanila namang pagkuha sa dalawang maaasahang guest player sa katauhan nila Mary Jean Balse at Dahlia Cruz, inaasahang bibigyan ng mga taga-Muralla ng matinding laban ang mga taga-Legarda na nag-aasam na angkinin ang korona ng season-ending conference ng ligang iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.
Ang tambalang Balse at Cruz ang ipantatapat ng LPU sa tambalang Bualee at Roces ng SSC-R.
Susuportahan nila Joy Benito, Bonsai Mirasol, Dafna Robinos at Elaine Cruz ang Bualee-Roces tandem habang ang Balse-Cruz duo naman ay tutulungan nila Joy Cases, Jamie Peña at Nikki Tabafunda.
Uumpisahan naman ng Lady Eagles ang kanilang tangka para sa kampeyonato laban sa Lady Tamaraws, isa pang koponan na puno ng talent. Ibabandera ng mga taga-Katipunan ang kanilang Thai import na si Surasawadee Boonyuen at si Alyssa Valdez.
Sasandig naman ang mga taga-Morayta sa beteranong sila Cherry May Vivas, Monique Tiangco, Rose Vargas at kanilang guest players na sila Rachel Anne Daquis at Michelle Carolino.
Ang baguhang National University naman ay sisimulan ang kanilang kampanya sa kanilang pagharap sa College of St. Benilde sa main game.
Kinuha ng Lady Bulldogs ang serbisyo ng magkapatid na Dindin at Jaja Santiago upang pangunahan ang kanilang pag-aasam na makapasok sa Final Four ng liga sa kanilang unang sabak.
Aasa naman ang Lady Blazers sa kanilang mainstays na sila Ren Agero, Giza Yumang, Rossan Fajardo kasama ang kanilang guest players na sila Jen Manzano at Zhar Velez.
- Latest
- Trending