Judgment Day ngayon kay Viloria vs Soto

MANILA, Philippines - Ipakitang may ibubuga pa siya sa boxing ang isa sa misyon ni Brian Viloria sa pagharap niya laban kay Mexican Omar “Lobito” Soto ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Unang laban ito ni Viloria matapos ang 12th round TKO pagkatalo sa kamay ni Carlos Tamara noong Enero 23 sa Cuneta Astrodome upang maisuko ang idinedepensang IBF light flyweight title. Naubos ang lakas ni Viloria sa nasabing laban at naospital pa nga dahil sa timanong pahirap sa hu­ling limang rounds at dahil dito ay marami ang nagduda kung kaya pang makabangon ang 29-anyos Fil-Hawaiian na naghari rin sa WBC light flyweight division at may 26-3 karta kasama ang 15 KO.

“I don’t feel like it’s time for me to hang up just because of what happened in my last fight,” wika ni Viloria upang isantabi ang mga batikos na dapat na magretiro na siya.

Sa halip ay bumalik siya sa flyweight division na kung saan siya nagsimula dahil sa paniniwalang mas angkop ang timbang na ito sa kanya.

Kung tama siya ay malalaman sa pagbangga kay Soto, isang two-time world title challenger sa main event ng Boxing at the Bay IV na handog ng Solar Sports.

 “I took this fight because Viloria is famous all over the world I respect him but I believe I have the advantage in speed,” wika ni Soto na mayroong 19 panalo sa 27 laban at 2 draw bukod sa 13 KO.

 Kondisyon naman ang dalawang boksingero dahil pareho nilang nalampasan ang takdang fight weight limit sa weigh-in kahapon at si Viloria ay tumimbang sa eksaktong 112 lbs habang si Soto ay kapos ng kalahating pound sa 111.5 lbs.

Tatayong main supporting event naman ang pagdepensa sa unang pagkakataon ni Al Sabaupan sa hawak na IBF Pan Pacific light weight title laban kay Wonchit Twins Gym ng Thailand.

 May 12-0 at 1 draw si Sabaupan bukod sa 9 KO at nakuha niya ang titulo nang mapatulog sa third round si Heri Andriyanto ng Indonesia nang magkaharap nitong April 17 sa Ynares Arena.

Show comments