MANILA, Philippines - Gamit ang kahanga-hangang 51% shooting, dinurog ng Taguig ang MP Pacman GenSan, 99-76, para makapasok na sa finals sa 5th leg ng Tournament of the Philippines kahapon sa Emilio Aguinaldo College Gym sa Manila.
Tumipak ng 22 puntos si Erick Dela Cuesta na nilakipan ng 9 of 13 shooting kasama ang 5 of 6 sa 2-point field, habang nagbagsak ng 12 puntos si Lou Gatumbato sa ikatlong yugto na kung saan iniwan ng tuluyan ng Taguig ang Warriors para maisulong ang karta sa 2-0.
Si Gatumbato ay tumapos taglay ang 20 puntos, kasama ang 3 of 4 shooting sa tres, bukod pa sa 9 assists, 5 rebounds at 1 steals.
Nakabangon naman ang host Ascof Lagundi sa unang kabiguan sa kamay ng Taguig nang iuwi ang 92-88 panalo sa Cobra Energy Drink.
Ang panalong ito ng Ascof ay nagresulta upang magkatabla sila ng MP Pacman at paglalabanan nila ngayong alas-2 ng hapon ang karapatang hamunin ang Taguig sa titulo ng leg.