Patrombon papalo sa YOG
MANILA, Philippines - Naisakatuparan ng pambatong junior player ng bansa na si Jeson Patrombon ang hangaring makalaro sa 1st Youth Olympic Games sa Singapore.
Nakatanggap ang Philippine Tennis Association ng impormasyon sa Olympic Solidarity na kung saan binibigyan nila ng wild card si Patrombon para makasama sa 32-man main draw sa kompetisyong ilalarga mula Agosto 14 hanggang 26.
Napasama ang 17-anyos na si Patrombon sa nabigyan ng wild card dahil pumasok siya sa Top 50 sa hanay ng mga junior boys netters sa talaan ng International Tennis Federation.
Sa kasalukuyan, si Patrombon na nalagay sa 37th puwesto sa nagdaang buwan ay nasa ika-41st puwesto sa naipundar na 455 puntos sa paglahok sa boys singles at doubles.
Ang dating pambatong junior player ng Pilipinas na si Francis Casey Alcantara ay hindi na naikonsidera dahil nalaglag na siya at kasalukuyan ay nasa 60th puwesto sa 395 puntos.
Sa Patrombon ang magiging ikasiyam na manlalaro ng bansa na makakasama sa YOG na hahawakan ni Chief of Mission Mark Joseph.
Ang mga naunang nakatiyak na ng puwesto ay ang 3-on-3 basketball na binubuo nina Michael Tolomia, Bobby Ray Parks Jr., Jerome Teng at Michael Pate, ang mga swimmers na sina Jasmin Alkhaldi at Jessie King Lacuna, weight lifter Patricia Llena at si Kirk Barbosa sa taekwondo.
Naunang binigyan ng wild card si lady jin Leigh Nuguid pero napalitan siya ni Barbosa dahil mas kaunti ang kalahok sa-48 kilogram na pinaglalaruan ng mag-aaral ng La Salle.
- Latest
- Trending