MANILA, Philippines - Sadyang hindi na makapaghintay si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. kaugnay sa magiging desisyon ng kanyang pamangkin na si President Benigno “Noynoy” Aquino III ukol sa iluluklok na bagong chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
Nagtungo kahapon si Cojuangco sa Malacañang upang talakayin ang “organizational matters” sa PSC, ayon sa isang Palace official na kinumpirma naman mismo ni Executive Secretary Paquito Ochoa.
“He just wanted to discuss something about the PSC,” sabi ni Ochoa matapos ang idinaos na red mass sa Manila Cathedral.
Matatandaang ipinangako ni Cojuangco sa kanyang mga kasamahan sa POC na tiyak nang magbababa ng desisyon si Pangulong Aquino ngayong linggo para sa papalit kay chairman Harry Angping sa PSC.
Sapul nang iluklok ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Angping noong Pebrero ng 2009 bilang kapalit ni William “Butch” Ramirez ay hindi na tinantanan ni Cojuangco ang dating Manila Congressman.
Ito ay dahil na rin sa pagiging chief campaigner ni dating Presidential half-brother Art Macapagal ng shooting association sa nakaraang POC presidential election kung saan muling nanalo si Cojuangco.
Kamakalawa ay sinamahan naman ni Ochoa sa Malacañang sina dating PSC Commissioner Ritchie Garcia, ang kasalukuyang PSC Commissioner na si Akiko Thomson at dating tennis association chief Buddy Andrada.
Ang tatlo ang sinasabing pinagpipilian ni Pangulong Aquino para sa sports agency.