Pacman, Taguig nakauna sa TOP
MANILA, Philippines - Impresibong panalo ang agad na kinuha ng MP Pacman Gensan at Forward Taguig sa pagsisimula kahapon ng fifth leg ng Tournament of the Philippines (TOP) sa Emilio Aguinaldo College gym sa Manila.
Kinakitaan ng magandang ball movement ang Warriors upang ikasa ang 89-77 tagumpay sa Cobra Energy Drink habang unang panalo sa torneo ang nakamit ng Taguig sa host Ascof Lagundi, 92-77, sa ikalawang laro.
Humakot nga ng 21 assists ang koponang pag-aaari ni boxing icon Manny Pacquiao at ang magandang pag-ikot sa bola ay nagresulta sa mga magagandang buslo sa tres upang katampukan ang opensang ginamit para makuha ang unang tagumpay sa leg na ito.
Si Marvin Yambao nga ang namahala sa pagpapatakbo sa kanilang opensa sa ibinigay na 7 assists at ang tropa ni coach Fean Del Rosario ay kumana ng 13 of 29 shooting sa tres.
Namuno nga sa koponan si Jonathan Parreno sa ibinagsak na 19 puntos lakip ang 5 of 9 shooting sa tres upang maisulong sa 3-0 ang karta ng Warriors kung pag-ani ng unang panalo sa unang laro ang pag-uusapan matapos ang tatlong legs na sinalihan.
Magbabanatan ang Taguig at GenSan ngayon at ang mananalo ay halos nakakatiyak na ng puwesto sa leg finals.
MP GENSAN 89 – Parreno 19, Gonzaga 14, Nicdao 10, Raymundo 9, Daja 8, Sagad 7, Pacquiao 6, Yambao 6, Mendoza 4, Medalla 3, Farochilen 3.
COBRA 77 – Llagas 18, Barua 14, Acuna 12, Nabong 12, Espiritu 8, Lingganay 4, Canizares 4, Afable 3, Tecson 2, Bagatsing 0.
Quarters: 19-21; 39-40; 75-60; 89-77.
FORWARD TAGUIG 92 – Gatumbato 17, Vizcarra 14, Sta Cruz 14, de Castro 12, dela Cuesta 11, Tajonera 10, Marquez 7, Fernandez 5, Cacha 2, Delgado 0.
ASCOF LAGUNDI 77 – Gamalinda 18, Anthony 13, Aguilar 13, Taylor 7, Uyloan 6, Asoro 6, Labagala 4, Mangahas 4, Leynes 3, Maliksi 3, Lanete 0, Co 0.
Quarters: 25-16; 47-33; 65-50; 92-77.
- Latest
- Trending