MANILA, Philippines - Tumataginting na isang milyong piso, iyan ang handang ibigay ni Mike Romero, dating presidente ng Philcycling para sa kahit sinong Pilipinong siklista na mag-wawagi ng gintong medalya sa paparating na Asian Games na gaganapin sa Guangzhou sa China
Ang hangarin ng multi-title basketball owner na si Romero ay itinuturing na isang positibong marka upang ang liderato sa cycling ng bansa ay matapos na makaraang sumang-ayon siya sa Philippine Olympic Committee (POC) sa hangarin ng komisyon na magsagawa ng isang unification race sa pagitan ng grupo na pinamumunuan nila Ricky Cruz at Col. Arnulfo Taberdo at ng grupo ni Tagaytay Mayor Abraham “Bambol” Tolentino.
“The call for a unification race is one big step to unite all stakeholders in the cycling community, so I am supporting this move so that we can have a strong and competitive team for the Asian Games,” ani Romero, ang chief executive officer (CEO) at presidente ng Harbour Centre. “So I congratulate POC for its effort to unite the two groups.”
Sa insentibong ibibigay ni Romero, ang magwawagi ng silver medal ay makakatanggap ng P500, 000 habang ang magsusubi ng bronze ay magkakaroon ng P300, 000. Ang insentibong ito ni Romero ay iba sa insentibong ipinagkakaloob ng Philippine Sports Commission na nagkakaloob din ng cash bonuses sa mga medalists.
Hinikayat din ni Romero ang mga grupo nila Taberdo at Cruz at ang grupo ni Tolentino na ayusin na ang kanilang hindi pagkaka-unawaan para sa kapakanan ng cycling sa bansa.
Sa tatlong buwang nalalabi para sa Asian Games, iginiit ni Romero na dapat ng pag-igihan ng mga siklista ang kanilang pag-eensayo dahil na rin sa matinding kumpetisyon sa nasabing event.
“We can’t achieve our goal if we remain fragmented, so I’m calling on all stakeholders to join in the race called by the POC,” saad ng co-owner ng ABL Inaugural titlists na Philippine Patriots.