David iniligtas ang Tigers, napiling PBAPC PoW
MANILA, Philippines - Alam na ni Gary David kung paano maglaro sa wildcard phase matapos ang anim na taon sa Philippine Basketball Association (PBA) mula sa Air21 hanggang sa Coca-Cola.
“Halos ever since kasi sa career ko dito sa PBA, lagi akong naglalaro sa wildcard kaya alam ko kung paano laruin,” ani David, ang 10th overall pick ng Coke 2004 draft. “Kaya ang mind-set ko, hindi ko pababayaan na basta-basta matatalo ang team ko at gagawin ko ang lahat para matulungan ang team.”
Mula sa kanyang game-high 32 puntos, iginiya ng produkto ng Lyceum of the Philippines ang mga Tigers sa 100-84 paggupo sa Sta. Lucia Realtors noong Linggo sa unang playoff game sa wildcard stage ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference.
At dahil sa kanyang kabayanihan, napili si David bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week para sa linggo ng Hunyo 28 hanggang Hulyo 4.
Makakatapat ng Coke sa ikalawa at huling playoff match sa wildcard ang Rain or Shine, sumibak sa Air21, 92-89, noong Linggo, bukas ng alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum na dedetermina kung sino sa kanila ang kukuha sa ikaapat at huling outright quarterfinals seat katapat ang naghihintay na Derby Ace.
“He really had been our ‘do-it-and-more’ guy,” sabi ni coach Bo Perasol kay David. “He provides the energy for the team with his offense and yet works hard in defense as well.”
Sinabi naman ng six-footer na si David na pinapangatawanan lamang niya ang bansag sa kanyang “Mr. Pure Energy”.
“Energy at intensity ang inaasahan sa akin kaya iyun ang ibinibigay ko,” sabi ni David, ang top local scorer sa import-flavored conference mula sa kanyang 21.1 points per game average sa nakaraang 19 laro. “’Yung iba, like points, parang by-products na lang iyon.”
- Latest
- Trending