Pinas isinalba nina Lining, Bustamante, pasok sa Semis
MANILA, Philippines - Mula sa anim, dalawang Filipino cue artists na lamang ang nagdadala sa kampanya ng bansa sa 2010 World Pool Championships (World 9-Ball) sa Qatar Billiards and Snooker Federation hall sa Doha, Qatar.
Umiskor ng mga panalo sina Francisco “Django” Bustamante at Antonio “Nickoy” Lining sa Last 16 upang umabante sa semifinal round ng torneo.
Iginupo ni Bustamante ang kababayang si Francisco Felicilda, 11-5, samantalang binigo naman ni Lining si Oliver Medenilla,11-10, para magmartsa sa Final Four ng torneo kasama sina Johnny “The Scorpion” Archer ng United States at “The Little Monster” Kuo Po-cheng ng Chinese-Taipei.
Si Archer ang gumiba kay Tot ng Serbia,11-6, habang si Kuo ang gumulat kay dating 9-ball at 8-ball world champion Ronato “Volcano” Alcano, 11-5.
Sa kanilang pagpasok sa semifinal round, tiyak nang makakakuha sina Bustamante, Lining, Archer at Kuo ng $10,000 mula sa $250,000 total pot prize ng World Pool-Billiards Association (WPA) sanctioned tournament na may premyong $36,000 para sa magkakampeon at $18,00 sa runner-up.
Bago umabante sa Final Four, tinalo muna ng pambato ng Tarlac City na si Bustamante si Ko Pin-yi ng Chinese-Taipei, 11-8, sa round-of-32 at isinunod ang kababayang si Marlon ‘Marvelous” Manalo, 11-6, sa round-of-16 noong Linggo ng gabi.
Sinibak naman ng tubong Calapan, Oriental Mindoro na si Lining si Nguyen P. Long ng Vietnam, 11-6, sa round-of-32 kasunod si Dimitri Jungo ng Switzerland, 11-8, sa round-of-16.
Sina Bustamante at Lining ang maghaharap sa semis, habang makakalaban ni Archer si Kuo.
Pinayukod ng Atlanta, Georgia bet na si Archer sina Bruno Muratore ng Italy, 11-7, sa round-of-32 at Jason Klat ng Canada, 11-8, sa round-of-16.
Pinatalsik naman ni Kuo sina Ibrahim Bin Amir ng Malaysia,11-10, sa round-of-32 at kababayang si Yang Ching-shun sa round-of-16 patungo sa semifinal round.
- Latest
- Trending