MANILA, Philippines - Ibubuhos ni Nonito Donaire Jr. ang ngitngit na nararamdaman dala ng pagkabigo na maisara ang hangad niyang rematch kay Vic Darchinyan sa pagbangga niya kay Hernan Marquez ng Mexico sa Hulyo 10 sa San Juan, Puerto Rico.
Ang labang ito ay para sa interim WBA super flyweight at under card sa WBO featherweight fight sa pagitan ng walang talong kampeon ng Puerto Rico na si Juan Manuel Lopez at Filipino challenger Bernabe Concepcion.
Banas si Donaire dahil umatras sa rematch si Darchinyan na kanyang tinalo sa pamamagitan ng fifth round KO noong Hulyo 7, 2007 para agawin din ang IBF flyweight title.
Nagdesisyon na siyang umakyat ng tuluyan sa super flyweight dahil wala na siyang nakikitang mabigat na kalaban sa flyweight.
“It is frustrating,” wika ni Donaire sa panayam ng Boxingscene.
“I’m ready to move up in weight and start gaining more titles if I can,” dagdag nito.
Si Marquez ay may 27-1 karta kasama ang 20 KO pero papasok siya sa laban mula sa unang kabiguan na ipinatikim ng Filipino boxer na si Richie Mepranum sa pamamagitan ng unanimous decision sa Texas nitong Marso 12.
Dahil dito ay tiyak na naghanda siya nang husto laban kay Donaire, bagay na hindi naman na ikinakabahala ng boksingerong tinaguriang “The Flush.”
“We trained really hard and we are ready to go. We are building a lot of power, a lot of stamina, and a lot of speed so no matter how many rounds it takes we will be confident,” ani pa ni Donaire na mayroong 23-1 kasama ang 15KO.