Coke vs SLR; ROS kontra Air21: Laglagan ngayon sa PBA Fiesta Cup
MANILA, Philippines - May pag-asa pa para sa mga mananalo at wala nang bukas para sa mga matatalo.
Nakatakdang sagupain ng No. 5 Rain or Shine ang No. 9 Air21 ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng No. 7 Coca-Cola at No. 8 Sta. Lucia sa alas-4 ng hapon sa wildcard phase ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Ang dalawang tropang magwawagi sa unang knockout stage ang siyang magtatagpo sa isa pang playoff game para sa kukuha ng pang apat na outrigth quarterfinals seat.
Ang maglalaban sa best-of-five quarterfinals series ay ang No. 4 Alaska kontra No. 5 Barangay Ginebra, habang ang magiging wildcard survivor ang siyang makakatagpo ng naghihintay na No. 3 Derby Ace.
Tinalo ng Gin Kings ang Elasto Painters, 115-88, upang angkinin ang ikatlong quarterfinals ticket, samantalang giniba naman ng nagdedepensang Beermen ang Llamados, 88-83, para ibulsa ang pangalawa at huling automatic semifinals berth.
Ang Talk ‘N Text Tropang Texters ang unang koponang pumasok sa best-of-seven semis series.
Pare-parehong nanggaling sa kabiguan ang Rain or Shine, Coke, Sta. Lucia at Air21.
Dalawang sunod na kabiguan ang pagmumulan ng Realtors, natalo naman sa kanilang pinakahuling laro ang Elasto Painters, Tigers at Express.
Sinasabing ito na ang magiging huling torneo ng Sta. Lucia matapos ang napaulat na pagbili sa kanilang prangkisa ng Meralco, pinamamahalaan ni Manny V. Pangilinan bukod pa sa Talk ‘N Text.
Tinalo na ng Realtors ang Tigers, 108-94, sa kanilang unang pagkikita noong Mayo 1 kung saan naglalaro pa para sa kanila sina Kelly Williams at Ryan Reyes, samantalang si James Penny ang ipinarada ng Tigers.
Nakabawi naman ang Coke sa second round nang igupo ang Sta. L:ucia, 87-76, noong nakaraang Biyernes.
Winalis naman ng Rain or Shine ang kanilang dalawang laban ng Air21, 106-102 via overtime at 113-111.
- Latest
- Trending