Humaba na nang humaba ang bakasyon ng Talk N Text na nakasungkit ng unang automatic semifinals berth bunga ng pagiging topnotcher sa double round eliminations ng PBA Fiesta Conference.
Kasi nga, dapat sa oras na binabasa ninyo ang pitak na ito’y tapos na sana ang “wildcard phase” kung saan may tatlong knockout matches na lalaruin. Sa unang araw ng “wildcard phase” ay maghaharap ang No. 6 kontra No. 9 seed at magduduwelo ang No. 7 at No. 8 seeds. Ang magwawagi sa games na ito’y magtatapat sa ikalawang araw sa isa pang knockout match upang madetermina kung alin ang kukumpleto sa quarterfinals cast.
Pero sa halip na ganito ang mangyari, aba’y bukas pa magsisimula ang “wildcard phase.”
Kasi nagkaroon ng pagtatabla sa ikalawa’t ikalimang puwesto sa pagtatapos ng elims at kinailangang ng dalawang playoffs para madetermina kung sino ang makakakuha ng ikalawang automatic semifinals berth at ikatlong huling automatic quarterfinals berth.
At hindi kaagad ginanap ang mga playoffs na ito noong Miyerkules dahil minabuti ng PBA na bigyang daan ang proklamasyon ng ating ika-15 pangulo na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III. So, kahapon ginanap ang playoff sa Ninoy Aquino Stadium.
Kaya lalong humaba ang bakasyon ng Tropang Texters na huling naglaro noong Hunyo 23 nang padapain nila ang Barako Coffee, 112-101 para wakasan ang kanilang elims schedule sa record na 15-3.
Kung kukuwentahin, ang pinakamaagang petsang matatapos ang quarterfinals ay sa Hulo 14 kung magkakaroon ng three-game sweep. So, magsisimula ang semis sa Hulyo16. Bale 23 araw ang magiging pahinga ng Tropang Texters.
Pero kung aabot sa limang games ang quarterfinals, bale sa Hulyo 21 pa magsisimula ang semis. So, bale 28 days o halos isang buwan ang pahinga ng TropangTexters.
Well, may positibo at negatibong pananaw sa pagiging automatic semifinalist at pagkakaroon ng mahabang bakasyon. Siyempre, kabilang sa positibo ay ang mahabang pahinga at panahon ng paghahanda, ang pag-iwas sa injuries o ang pagpapagaling sa mga minor injuries na tinamo sa elimination round.
Kaya lang, palaging sinasabi ng mga coaches ng teams na nakakadiretso sa semifinals na ang main problem nila ay ‘yung pagpapanalisa sa kanilang manlalaro sa ‘game shape.’
Kasi, malamang sa sila-sila lang ang nagkikita sa ensayo. Sila-sila lang ang nagpupukpukan. So, iba yung intensity na ipinapakita kapag sila-sila lang kumpara sa intensity kapag may iba silang kalaban.
Ang balita’y tutungo sa China angTropang Texters ngayong umaga at mananatili doon sa loob ng isang linggo upang makipag-ensayo sa mga mas matangkad na Chinese teams.Okay na rin iyon dahil kahit paano’y iikli ang paghihitay nila sa simula ng semifinals.
Pero siyempre, kapag nasa ibang bansa naman sila, mag-iingat din sila. Kapag foreigner ang kalaban, iba rin ang intensity niyan. Malamang sa mas pisikal. So, iwas injury naman ang concern ni coach Vincent “Chot” Reyes.
Anu’t anuman, ang Talk N Text pa rin ang katatakutang koponan sa semifinal round.Kasi, marami ang nagpapalagay na tsamba lang ‘daw’ ang 88-87 panalo ng B-Meg Derby Ace sa Talk N Text sa Tacloban City noong Hunyo 19 dahil hindi naman naglaro si Kelly Williams.
Ows?