MANILA, Philippines - Mula sa 64th spot, umakyat si Grand Master Wesley So sa ika-60 na puwesto sa listahan ng top 100 chess players sa buong mundo.
Sa bagong ratings na inilabas ng International Chess Federation (FIDE), nadagdagan ng siyam na puntos ang noo’y 2665 points ng tubong Bacoor, Cavite na si So na mayroon ng kabuuang 2674 ELO rating points.
Ito ay matapos siyang lumahok sa ikatlong Phoenix Petroleum- Battle of GM’s National Chess Championships na idinaos sa Tagaytay City at sa 9th Asian Continental Men’s Individual Championships sa Subic.
Nakatakdang makipagsagupa ang 16-year old na si So sa isang major chess tournament sa Netherlands sa mga huling linggo nitong buwan.
Sa World Juniors, nasa ika-pitong puwesto si So sa 20-below category, nasa likuran nila sixth seed GM Le Quang Liem ng Vietnam (ELO 2681), fifth seed GM Fabiano Caruana ng Italy (ELO 2697), fourth seed GM Ian Nepomniatchi ng Russia (ELO 2706), third seed GM Maxime Vachier- Lagrave ng France (ELO 2723), second seed GM Sergey Karjakin ng Russia (ELO 2747) at world number one GM Magnus Carlsen ng Norway (ELO 2826).
Nasa ikalawang puwesto naman sa Asya si So sa 20-under.
Labing isang puntos lamang ang kalamangan ni GM Alexander Motylev ng Russia na nasa World no. 50 laban kay So habang isang puntos na lang ang hinahabol ni So upang makatabla sa 59th place kay GM Kiril Gergiev ng Bulgaria.
“This year, my immediate goal is surpass the ELO 2700 barrier and possibly make it to the Top 50 of the world,” ani So, na hindi pumasok sa kolehiyo ngayong taon upang matutukan ang kanyang chess career.